Saturday 23 April 2011

SIPON SANTO

LUNES SANTO

Eto na, panay na ang paramdam ni rhinitis acuta catarrhalis. Pakiramdam ko tuloy ano mang oras ng mga araw na iyon ay maaari akong magka-acute viral rhinopharyngitis… ano raw?? Sa usapang masa – SIPON! Sisipunin ata ako. At sino si Rhinitis Acuta Catarrhalis?? Sya ang bakteryang nagdudulot ng sipon. (salamat sa Wikipedia)

AVR (Acute Viral Rhinopharygitis), maiba laang.
Maiba sa pandinig.
Diba kung merong matanong:

Kumusta ka na?

Anga sagot ko.
"Eto, feeling weak, I think I’ll be having an acute viral rhinopharygitis any moment now… "

O diba, astig!! At aminin mo, sosyal!

Hehehe..pero sa totoo SIPON laang pala.

Merong mala-armirol ng likido ang parang yoyo na labas-masok sa aking ilong. Sabayan pa ng parang binabarenang sakit sa pagitan ng ilong at dalawang mata. Habang parang yoyo ang sipon ko sa ilong at feeling dramatic star naman ang aking mga mata, laging parang gusto lumuha… laging feeling api. Lagi na laang parang may mga mumunting lupon ng tubig ang namuuo sa gilid ng aking mga mata...at pagsigaw ni derek ng “ACTION”, sakto biglang tulo na laang ang mga luha, gugulong sa mga pisngi, sabay singhot….

Hhhaayy.. sipon.

MARTES SANTO

Nagputuloy na nga ang sipon. Lunes pa laang ng makapananghalian ay panay na ang aking hatsing! Hanggang sa lubugan na ako ng araw at sikatan ng buwan hatsing dito, hatsing doon ang bago kung hobby.

At kahit sa pagtulog ay panay ang papansin ng sipon. Hindi pwedeng hindi hahatsing. At dahil doon ay napag-alaman ko na hindi siguro maaaring humatsing ang isang tao ng natutulog.

MIYERKULES SANTO

2:36 ng umaga, bigla akong nagising. Nang maalimpungatan ay bumanat ng isang feel-na-feel-na-hatsing! Pagkatapos noon, hinimatay na ako at nagisnan na ang umaga. ‘Yon laang pala ang pala ang dahilan ng paggising ko, ang humatsing…napatunayan ko tuloy na tunay ngang kelangang gising nga tao para humatsing.

HUWEBES SANTO

May sipon pa rin. Kumbaga sa pigsa, may PIGSANG DAPA, pakiramdam ko meron akong SIPONG DAPA.

‘Yong pakiramdam ko ay may sipon pa ako, pero ala namang natulo. ‘Di na rin ako sumisinghot-singhot. Parang wala na akong sipon. Pero masakit ang pagitan ng mga mata ko at ilong. At ang boses ko eh “sounds like I had cold”… as in ngo-ngo-mangol-combo!

‘Di naman ako “choppy”, pero it’ll take some effort para makipag-kwentuhan o magsalita. Sabayan pa ng pamumungay ng aking mga mata.

Patuloy pa rin ang pag-hatsing. Na-obsebahan ko na kung hindi man mahirap ay parang imposible yata ang humatsing ng naka-bukas ang mata. May nabasa ako o narinig matagal na panahon na rin ang nakararaan na imposible talaga yatang humatsing ang tao ng naka-bukas ang mga mata. Bakit? Kasi maaari raw tumalsik ang mga mata kung naka-bukas ang mga mata sa paghatsing.

Aba ayaw ko namang subukan. Hindi pa ako handang makipagkapaan sa aking mga mata.

Hindi ko alam kung totoo ito, pero ayaw kong subukan.

BIYERNES SANTO

May sipong-dapa pa rin.
Masakit ang ulo.
Tinatamad pa rin akong magsalita.

SABADO DE GLORIA

Dapa pa rin ang sipon. Nagpipilit isinga ang mga dapat isinga pero wala namang nalabas. Nakakatakot namang piliting suminga at baka utak ko na ‘yong maisinga ko.

Na-missed ko laang magkasakit. (Salamat sa Dakilang Manlilikha sa malusog kung katawan.) Been ages since my last visit at the hospital, at hindi ako nagpunta sa ospital para magpagamot, kundi para bumili laang ng kape…(may coffee shop sa loob ng ospital, at kailangan ko ng kape sa oras na ‘yon at ang pinaka-malapit na kapehan ay sa loob ng ospital).

Gaya ng lagi na laang nasasabi, mas naa-appreciate natin ang isang bagay kung ito ay wala na sa’tin. At sa ngayon, kung na-missed ko man ang magkasakit, agad kung naisip ang halaga ng kalusugan noon mga panahong wala akong sakit.




"Illness is the night-side of life, a more onerous citizenship.

Everyone who is born holds dual citizenship,

in the kingdom of the well

and in the kingdom of the sick.

Although we all prefer to use only the good passport,

sooner or later each of us is obliged,

at least for a spell, to identify ourselves

as citizens of the other place."

Susan Sontag




LINGGO NG PAGKABUHAY …

Wednesday 13 April 2011

Ang Sosyal!

Bata.

Matanda.

Dalagita. Dalaga.

Binatilyo. Binata.

Lalake. Babae.

Bakla. Tomboy.

Biyuda. Biyudo.

Edukado.

Mangmang.

Mahirap. Mayaman.

Manggagawa.

Tambay.

T A O


Pustahan, lahat ng mga nasa itaas ay merong account sa isa o kung hindi man ay lahat ang mga nasa ibaba.


Ping.

Twitter.

Facebook.

Instagram.

Flicker. Multiply.

Friendster. Tumbler.

GetGlue.

Wordpress

Blogger

AIM

YM


S O S Y A L


Tao = Sosyal.

Kalikasan na sa tao ang pagiging sosyal nito o ang pakikisalamuha sa kanyang kapwa-tao. Ay kaya nga mandi nilikha si Eba dahil hindi masaya si Adan na puro na laang hayop at halaman ang kasama nya, kelangan nya ng kapwa-tao nya. ‘Yong kauri nya. Parehas na mga pares ng paa at kamay; pares ng mga daliri; ‘di nakakalayo ang lente ng mga mata; halos parehas ang sukat ng ilong; ka-tenga – sa madaling salita, TAO ANG KAILANGAN NG TAO.

At dahil nga sosyal na nilalang tayong mga tao, eh meron tayong mga pare-parehas na pangangailangan sa buhay. Pangangailangang kailangang matugunan. Physical, emotional, psychological, spiritual, etc***’al.

At dahil sosyal, naroon ang pangangailangan na maramdamang “we belong here”. Kaya nga may pamilya eh. Pare-parehas mang tao, naraoon pa rin ‘yong “individuality” ng isang tao. ‘Yong tipong – IBA AKO. Magkakasama man sa isang grupo o kawan, kelangan ramdam pa rin ng isang tao na naiiba sya sa iba (kung pula kayo, itim ako – tipong ganun), pero sa iba naman para nga maramdaman ang “we belong here” thing, eh ok na ‘yong kaparehas ng iba – IBA KAMI. Iba pa rin, ‘yon nga lang napalitan na ang panghalip na “ako” ng “kami”.

At dahil “IBA”, papasok na ang pangangailangan ng tao na makita ng iba na iba sya. Ang pangangailangan at paghingi ng pagkilala ng iba. ‘Yon bang kilalanin ang pagiging iba nya, kilalanin ang mga gawa nya, purihin ang gawa nya. Marinig ang boses nya. Pakinggan mo ang boses nya. Tao nga eh, sosyal.

At dahil sa pangangailangang matugunan ang mga pangangailangang ito, unti-unting nagsulputan ang iba’t-ibang paraan para maging sosyal ang isang tao. At dahil nga sa bilis ng pagsulong ng teknolihiya, hindi na laang natali ang tao sa simpleng huntahan sa pook pasyalan at pangangapitbahay, at talagang “may FB ka”… sabeehhh!!!

At doon na nga pumasok ang social media.

Friendster (2002)

MySpace (2003)

Facebook (2006)

Twitter (2006)

Multiply (2008?)

Ping (2010)

Wordpress

Blogger

AIM

Marami pa ‘yan. Sa sobrang dami hindi ko na alam ‘yong iba, basta ang alam ko marami pa ‘yan at kung wala man sa listahan na ‘yan ang ‘yong paboritong social media, paki-add na laang.

Dati noon, pagkatapos ng mahabang araw ng trabaho parang masarap ‘yong nakatambay laang sa bahay. Kasama ang pamilya. May konting inumin at kutkutin. Tamang nood laang ng TV.

Noon ‘yon ha.

Fast-forward tayo.

Ganoon pa rin ang sitwasyon. Natapos ang mahabang araw ng trabaho. Tatambay na laang sa bahay. Kasama ang pamilya. Meron namang iinumin, meron ring kukutkutin. At sakto, palabas sa telibisyon ang paboritong programa.

Parang wala namang bago?

Eto ang bago.

Habang nanood ng TV, biglang “ding!”.. ooopps may nagpost sa FB, o kaya may nag-Twit!

FB Friend 1: Sa mall kami now, saya dito. (tagged 1 person – ikaw)

FB Friend 2: Sunod ako dyan, wait laang (tagged 1 person – ikaw)

FB Friend 1: Tagged A Photo of You (wala ka naman pero nandun ka raw sa photo)

Twit 4: Re-Twit: Wow, this is great! I’m here!

FB Friend 276: Posted on Your Wall (hah, walang syang sariling wall??)

Twit 1: Sobra saya dito, party party!

At wala na ngang tigil ang telephone sa pag-tunog.

Push dito, push doon.

‘Di na nakakain, lumamig na ang inumin.

Wala nang naintindihan sa pinapanood.

Kanina, masaya, tahimik ang paligid, kontento na sa tamang tambay sa bahay. Ngayon, balisa na.

Baka may ma-missed na lakad.

Baka mapag-iwanan.

Walang maisasabat sa kwentuhan bukas.

Mas masaya kung nakamasa sana doon.

Napaisip tuloy: “Tama bang nasa bahay laang??

Naramdaman mo na ba ‘to?

Naiwanan ka na ba sa mga lakaran?

Naka-tanga ka laang habang masaya ang usapan ng grupo?

Nakikitawa ka na laang kahit 'di mo alam ang pinagtatawanan?

Hhaayy..social media nga naman…kanina laang payapa ang mundo.

Sabi sa Gadgetwise (Do Social Networks Make You Feel Left Out?), isang column sa NYTimes, may tawag raw dito:


F O M O

Fear Of Missing Out

Takot na may ma-missed.

Takot na may makalampas na okasyon.

Takot na maiwanan.

Kasi nga sosyal ang tao, kaya kailangan lagi may kasama.

Maganda naman ang layunin ng mga ito eh, makapangi-pangita ang mga dating magkakasama, makilala ‘yong mga ‘di kakilala na dapat pala ay kakilala. Subalit-datapuwat, lahat ng labis ay masama.

Kelan mo huling in-off mobile mo? Na-kompleto ba ang araw mo ng ‘di ka sumilip sa FB? Nag-twit?

Tuesday 30 December 2008

Bagong Taon

Ilang araw na lang at magpapalit na naman ng taon. Bagong taon na naman. Ang bilis ng panahon no? Parang kelan lang eh nagsusulat din ako ng mga New Year’s resolutions ko, at eto na naman bagong taon na ulit pala…panibagong listahan na naman nag New Year’s resolution ang gagawin ko.

Bago ‘yon, pa’no nga ba nagdiriwang ng bagong taon ang isang Pinoy?

Hinding-hindi siguro mawawala sa kultura ng isang Pinoy ang putukan tuwing Bagong Taon. Sabi sa amin sa Sibika at Kultura namin noong Grade IV, napulot raw ng mga sina-unang Pinoy ang kulturang ito sa mga mangangalakal na Tsino.

Eh bakit nga ba nagpapaputok?

Pang-taboy raw ng malas, masasamang espirito; takot raw kasi sa putukan ang mga ito. At kahit na naman si masamang espirito eh, sino ba naman ang di matatakot sa SAWA at PLA-PLA, at ngayon eh me BOGA pa. At dahil nga pumuputok, syempre sobra INGAY… at MAUSOK rin…. at MAKALAT. Sa mga panahong ganito, sigurado, kung di ka man sa Bocaue Bulacan mamimili, eh sigurado ring sa mga pinakamalapit na pamilihang bayan ngayon eh nagkalat ang mga pakete ng labintador, 5 star, watusi, bawang (hindi ito pang-gisa), Super Lolo, Sinturon ni Hudas, kwisit, lusis, fountains, at marami pang iba.. basta pumuputok.

Noon, sa probinsya, kanyong kawayan lang katalo na ang bagong taon ng batang mangyan. Kukuha lang nang di masyadong kagulangan na kawayan noon sa bukid si tatay, tas kakayasan para di naman matinik at syempre para maganda namang tingnan. Isang dipa ok na… lilinisin rin syempre yong loob ng kawayan, tapos, sa kabilang dulo lalagyan ng maliit na butas. Tapos ihihilig lang ang kawayan ng mga 25ยบ, lagyan ng konting gaas, o kaya para mas malakas ang putok, kalburo, ‘yong maliit na butas, tas sindihan ng konti.. wallla!! Me kanyon ka na.

Pagkatapos pala pumutok, ‘wag kakalimutang hipan ang maliit na butas para ‘yong mga usok na naiwan eh lumabas doon sa kabilang dulo ng kawayan. At dapat mag-iingat rin, kasi me mga pagkakataon bumabalik ‘yong apoy sa butas, kaya merong posibilidad na masunog ang nguso.

Bago pa man nauso ang mga mamahaling lusis at fountains, eh klik na klik na noon sa probinsya ‘yong klasik na munting lusis. Gawa lang sya sa walis tingting, tas 70% noong tingting eh binalot ng pinatuyong pulbara. Mukhang di sya safe, pero those days masayang-masaya na bagong taon, basta meron kaming magkakapatid na tig-iisang kahon. 7 pesos ata isang kahon, 12 piraso sa isang kahon.

Syempre klasik rin sa Bagong Taon ang mga batang nagtatalunan. Para raw tumangkad, kaya ako naman kahit wala pang hating gabi eh talon to the max talaga, para nga naman tumangkad. Though matatangkad naman ‘yong lahi namin, pero for assurance na rin, na in-case di magwork sa akin ‘yong gene pattern ng pamilya namin eh may second option pa ako…xx xx xx. So far, it works naman… kaya nga hanggang ngayon tumatalon pa rin ako tuwing bagong taon.

Kung minsan kasama sa pagtalon eh ‘yong pagkalog ng mga barya. Para raw maraming pera sa buong taon. Habang tumatalon panay ang kalog ng barya, tapos ihahagis at isasabog sa sahig, pero that time ‘di ko na sya inihahagis at isinasabog sa sahig, kawayan kasi ang sahig ng bahay namin noon, at sigurado kung isasabog ko eh mahuhulog lahat ng barya sa silong…so tamang kalog lang.

Oopps…sino ba naman ang hindi nag-suot ng polka-dots sa bagong taon? Kasama ng bagong taon ang polka-dots prints, kasi ‘yong bilog-bilog raw eh symbolizes money. Kaya pag-dami ng bilog, pag-dami ng pera. Bakit kaya hindi parihaba, para atleast di naman barya-barya ang pera.. bills naman.

Napag-uusapan na lang rin naman ang bilog-bilog, aba mawawala ba naman ang 12 o 13 bilog na prutas sa dulang? Syempre kahit sa mga panahong ito eh nagkakamahalan ang bilog na prutas (meron bang tatsulok o parisukat na prutas? Or pede rin kaya ‘yong mga bilohaba na prutas?), bibili at bibili talaga ang ma-pamahiing Pinoy. Ang listahan:

  1. Mansanas
  2. Ubas
  3. Buko
  4. Kahil
  5. Dalandan / Sinturis
  6. Chico
  7. Atis
  8. Santol
  9. Duhat
  10. Melon
  11. Bilog na Pakwan
  12. Bilog na Papaya
  13. Bilog na Avocado
  14. Lansones
  15. Durian
  16. Mangustin
  17. Chesa
  18. Mabolo
  19. Bilog na Guyabano
  20. Kiwi (para sa sosing dulang)
  21. Marang (sa Mindanao lang matatagpuan)
  22. Plum
  23. Cherry or any wild berries (para pa rin sa sosing dulang)
  24. Kamatis
  25. Bilog na Pinya

At marami pang iba.

Hinding-hindi rin mawawala sa dulang ng Pinoy ang kakanin. Nariyan ang sinukmani, biko, suman (kahit anong klase, basta suman), puto, kutsinta, kalamay, bibingka, sapin-sapin, at marami pang ibang naglalagkitang kakanin.

Dagdag pa dito ‘yong pagbubukas ng mga bintana at pinto ng bahay, para nga raw makapasok ang swerte sa taong darating.

At eto, prina-practiced talaga ng lola ko ‘to, bisperas pa lang ng Bagong Taon, dapat lahat ng mga kakailanganin o mga bibilhin sa unang araw ng taon eh dapat nabili na. Bawal rin magpa-utang sa unang araw ng taon. Bakit!!?? Kasi dapat sa unang araw daw ng taon eh hindi naglalabas ng pera; masama raw – isang taon raw panay ang labas ng pera, ala pasok.

Bukod sa mga nabanggit, mawawala ba naman ang listahan ng mga bagay na babaguhin o ‘yong mga bagay na lalakaran natin sa taong darating. Syempre nariyan ang listahan ng mga New Year’s resolutions. Ako marami rin nito this year, ‘yong iba natupad, ‘yong iba nakalimutan, ‘yong iba naman sinadyang kalimutan.

Ano ba mga naging New Year’s Resolution ko?? Medyo marami rin... eto nga, gagawa na naman ako ng bagong listahan... 'Kaw, me new year's resolution ka na ba?

Wednesday 24 December 2008

Isang Pagbati.


MALIGAYANG PASKO AT MANIGONG BAGONG TAON SA LAHAT!!!

HAPPY CHRISTMAS AND A PROSPEROUS NEW YEAR TO ALL!!!

IDAH SAIDAN WA SANAH JADIDAH!!!

JOYEUX NOEL!!!

NATALE HILARE ET ANNUM FAUSTUM!!!

FELIZ NAVIDAD!!!

SUNG TAN CHUK HA!!!

BOUNE FESTE NATALIZIE!!!

Wednesday 3 December 2008

Ang Alamat ng Jeddah Queen (Unang Bahagi)

Pamilyar ba sa’yo ang pamagat ng entry ko sa araw na ‘to? hhmmm…kung taga-Jeddah ka, alam ko pamilyar sa’yo ‘to. Kung di ka man sa Jeddah and you’re living somewhere on the Kingdom, alam ko alam mo rin ‘to. At kung wala ka naman sa Saudi o sa Middle East at simpleng collector ka lang nga mga scandals, both classics at recent, eh sigurado ako, alam mo rin ‘to at may kopya ka nito (pa-kopya naman…xxxxxx, ‘yong ripped na sa CD ha.).

Bago pa man magputukan ang sandamakmak na “sex scandal” dyan sa Pinas, eh patok na patok na noong mga dekada 80 ang alamat ng Jeddah Queen dito syempre sa Jeddah. Isa pa lamang katha sa nalikot na imahinasyon ng tao ang mga CD, VCD, o DVD na ‘yan. Mga panahong hindi ka uso kung wala kang Betamax.

Dahil na nga marahil sa sobrang kasikatan, o kontrobersyal o ka-intri-intriga ang Alamat ng Jeddah Queen, sa pagtagal ng panahon ay marami nang bersyon nito ang naglabasan, bukod sa nagkalat nga ang kopya nito sa Betamax, eh iba’t-ibang bersyon rin ng kwento ang parang sandstorm na bumalot sa kabuuan ng syudad. Mga bersyon ng kwentong nagpasalin-salin na sa ilang libo o milyong dila at labi ng mga bagong bayani dito sa Gitnang Silangan. At sa dami ng nga ng bersyong naglabasan eh di ko na tuloy alam kung alin ang totoo at alin ang imbento lang.

Kaya sa abot ng aking makakaya, pipilitin kong ilahad ang Alamat ng Jeddah Queen. Bakit? Ala lang, gusto ko lang.

Unang Bersyon:

Sa pagitan ng taong 1987 hanggang 1988, galing sa isang payak na probinsya mula sa kabisayaan ay lumuwas ng lungsod si Inday (di tunay na pangalan). Naiwanan sa probinsya ang kanyang apat na anak at ang kanyang asawa, si Dodong (‘di rin tunay na pangalan), na ganoon na lamang ang pagtutol sa pag-alis ng kanilang ilaw ng tahanan. Subalit tutol man, ay ganoon na lamang rin ang pagmamarahipit ni Inday na lumuwas ng Maynila upang makipag-sapalaran…makatulong sa kanyang kabiyak na maitaguyod at mabigyan ng maginhawang buhay ang kanilang apat na supling.

Sa pantalan, isa-isang niyakap at hinagkan ni Inday ang kanyang apat na supling. Sa huli, isang mahigpit na yakap at masuyong halik sa labi ang pabaon sa kanya ni Dodong…at go na si Inday!

Sa Maynila, tunay nga na nakipagsapalaran si Inday. Lahat na ata ng klaseng trabaho, basta marangal, ay kanya nang pinasok. Naging serbedora sya sa isang maliit na turo-turo sa may Lawton, nagpakatulong sa mag-asawang Intsik sa Binondo, hanggang sa maging saleslady sa tindahan ng sapatos sa Carriedo.

Pero parang kulang pa rin para kay Inday ang kanyang kinikita. Hindi pa rin sapat.

Isang araw, mga nasa unang tatlong buwan ‘yon ng taong 1988, napasyal si Inday sa may Ermita. Bukod sa nagkalat na money changer at mga babaeng naglalako ng panandaliang aliw, ay naglipana rin ang iba’t-ibang recruitment agency sa panulukang iyon ng Maynila.

WANTED: SEWER for ABROAD

Parang isang bombilya ang bigla na lamang umilaw sa bunbunan ni Inday.

Ting! Eto na marahil ang sagot sa aking pangarap.

May ngiti sa labi at punong-puno ng pag-asa, pumasok si Inday sa loob ng recruitment agency.

Ilang buwan pa nga ang lumipas, tag-ulan na noon, lulan ng eroplano, lumipad na si Inday patungong ibang bansa.


Ang destinasyon: Jeddah, Saudi Arabia

Itutuloy…

Friday 21 November 2008

Pugot

Kagabi ko pa pinag-iisipan kung kailangan ko ba talagang isulat ito o hindi. Kung kailangan ko pa bang gawan ng istorya at ako ay maghayag din ng ilan-ilan sa aking mga saloobin sa pangyayaring ito.

Matagal-tagal na rin ang usaping ito o ang balitang ito dito sa Saudi Arabia, partikular na dito sa syudad ng Jeddah. Istoryang nagpasalin-salin na sa halos ilang milyong dilang Pilipino dito sa gitnang silangan. Istoryang naging laman ng mga pahagayan dito sa Jeddah, maging sa mga pahayagan at telibisyon dyan sa atin sa Pilipinas.

Ang istorya rin ito ang naging dahilan ng makailang ulit na paghihigpit ng kapulisan dito sa Saudi sa mga kababayan nating Pilipino.

Istoryang nakakahiya at karumaldumal mang pag-usapan, subalit parang ang sarap sarap himayin ng bawat detalye... (sa mga susunod na entry ko nalang siguro ang iba pang detalye).

ANG KWENTO NG KINARNING PINOY

Pero ang entring 'to ay hindi muna para sa kwento ng biktima, kundi sa kwento at kinahinatnan ng mga nahuling may kinalaman sa patayang ito...kabayan din.

Kagabi nga, sa isang saloon dito sa Jeddah, di ko lang alam kung maari itong i-considered na kwentong barbero, since sa loob naman ng saloon o ng pagupitan nabuo ang kwento, naging usapan sa saloon ang umano'y pugutang nangyari sa tatlong Pinoy na inakusahang at pinagtibay ng korte dito na may kinalaman sa ginawang pagpatay sa isa nating kababayan.

Bale tatlong Pinoy ang mga nahuli at pinatawan ng parusang kamatayan.

Kung buhay ang inutang.... Buhay rin ang kabayaran.

Naging laman ng pahayagan nitong mga nakaraang buwan ang mga mukha ng mga kababayan nating ito na pupugutan raw ng ulo bilang parusa sa ginawa nilang kasalanan. Mga sa telebisyon ay ganoon nalang ang pagdulog ng mga kaanak ng mga ito sa pamahalaan na gawan ng paraan na mapababa ang sintensya.

"Mabait po 'yang asawa kong 'yan.... wala po talaga syan kinalaman, napag-bintangan lang sya..." sabi ng isa sa mga maybahay ng tatlo na nakapanayam ng mga mamamahayag.

"Pinahirapan lang raw sila kaya sila umamin sa krimen.." sabi pa ng isa.

Maging ang ilang mga NGO's na nangangalaga sa kapakanan ng mga Pilipinong nasa ibang bansa ay ganoon nalang din ang pagtulak sa pamahalaan na gumawa ng karampatang aksyon para lamang maisalba ang buhay ng tatlong Pilipino.

"Nakalulungkot isiping nakalimutan na nila
na meron palang biktima. Na kaya pupugutan ng ulo ang tatlong ito ay dahil sa isang rin nilang kababayan ang kanilang pinatay, kinarne, at ipinamahagi sa iba't-ibang sulok ng syudad ang parte ng katawan ng kawawang kabayan."

Balik sa usapan sa loob ng saloon.

Isa nating kababayan ang nakapag-kwento na napugutan na nga raw ng ulo ang tatlong Pilipinong ito. Though medyo hindi agad ako naniwala, kasi kung nagkaroon man ng pugutan e'di sana eh nai-anunsyo na ito sa telebisyon. Kaya humingi, hindi lang ako, kundi maging ang iba pang Pilipinong naging intresado rin sa kwento, ng katibayang totoo ang kanyang kwento at kung saan nya nakuha ang ipormasyong iyon.

Ayon na rin kay kabayan, ang pagpugot ay nangyari noong nakaraang Martes (18th November 2008). Sakay umano siya ng kanilang service sa trabaho kung saan ay isang katutubo o Saudi ang nagmamaneho, nang maikwento sa kanya ng Sauding ito na napugutan na nga raw ang tatlong kabayan. Base ito sa balita sa local sa radyo na kasalukuyan umanong pinakikinggan ng driver.

'Yon lang.










Wednesday 19 November 2008

Me's Back!

At muli akong nagbalik! Muling nabuhay! Hhhhaaayy… nakakapagod rin palang mamahinga. At syempre sobra akong nangulila sa munting pitak kong ito at maging ang aking mga kaswela / mga ka-blog. Na-missed ko talaga kayo…totoo! Na-miss nyo kaya ako??

Eh anak naman ng kalisod oooo! Bakit ka ga nawala?

Bakit nga pala ako nawala? Bakit bigla nalang akong tumigil at nawala? ‘Ni wala nga man lang akong excuse letter o kaya eh nagpaalam man lang (medyo bastusin ‘no…sensya na)… Para bang basta nalang akong nag-AWOL.


Ang Paliwanag:

Matapos ang huling entry ko tungkol sa aking mga naging guro noong lumang panahon eh ayon nga, naglaho nalang akong parang bula sa kawalan. Isang araw matapos kong pa-ipaskil ang aking entry eh medyo nagkaroon ako ng bakanteng oras para magliwaliw sa walang katapusang mundo ng internet.

Click dito. Click doon.

Google doon. Google dito.

Hanggang sa na-padpad ako sa “themes for bloggers”. Interesting naman.. kasi sandamakmak ang mga themes na pagpipilian. Sabi nga eh, wala ka nang hahanap-hanapin pa.

Me mga theme pa sila that will transform your blogspot page into a wordpress look or wordpress that looks like blospot (pero mas kapansin-pansin na mas mabenta ‘yong blogspot to wordpress). And that time ang aking ka-tsokarang si Lyzius eh bagong lipat ng Wordpress at parang ang ali-aliwalas ng bago nyang bahay, ang linis linis, simple lang. Natanong ko nga sa kanyang minsan isang panahon kung maganda ba talaga sa Wordpress kumpara sa Bloggers…and you know the answer.

So ako naman, medyo naganyak na maglipat bakuran, Bloggers to Wordpress.
Ang problema eh merong akong loyalty issues na nalalaman. Para bang hindi ko maiwan-iwanan ng basta-basta ang Bloggers, kasi asa isip ko lang – kung wala ang Bloggers eh baka wala akong ka-ide-ideya ngayon kung ano ga itong “blog” na ‘to. Natanaw ga ng utang na loob.

Kaya kesa lumipat bakuran ako, bakit hindi nalang kaya ako magbagong bihis. Kumbaga, Bloggers ako pero naka-bihis Wordpress (at ngayon ko lang naisip na medyo kainsultuhan pala ‘yon sa Bloggers…). So hanap nga ako ng bagong bihisan noong araw ding iyon.

At hindi naman ako binigo ng shopping buddy ko that day, si pareng Google. Kaya naman walang na akong inaksayang sandali, tipa agad…“Bloggers Theme”…at sa loob nga ng humigit kumulang labinglimang segundo lamang eh ‘sang katerbang hits na ang dala-dala ni pareng Google.

At sa dami nga ng themes, eh napilitan pa tuloy akong gumawa ng panibagong folder para paglagyan ng mga themes na ito.

Ang daming theme… magaganda…at tama nga ang patalastas, na kaya nitong pagmukaing Wordpress ang Bloggers. Maging ang mga patotoo ng mga naka-gamit na eh hindi matatawaran ang katuwaan sa bagong bihis na dulot nito sa kanilang Bloggers page.

Ayon na nga, ako naman eh nakibihis-bihis na rin. Sabi ko nga sa sobrang dami ng mga themes eh gumawa pa ako ng isang folder, at lahat ng mga themes na ‘yon eh sinubukan ko.

Ok na sana ang lahat…hanggang sa i-save ko na at tingnan ang kinalabasan ng aking bagong bihis na Bloggers. ‘Yong mga widgets ko nagkawalaan. Me mga naiwang widgets pero di naman gumagana at kung gumagana man eh iba naman ang laman. I-short, I messed it up. Nagkalat lang ako.


So balik ako sa fitting room, este sa customized option para iwasto ang mali. Ok naman, naayos at naiwas ko ang mga pagkakamali sa unang subok… ang problema sa tuwing lalabas ako ng fitting room eh ganoon pa rin ang problema…makalat pa rin ang aking pahina….ni hindi nga ata nagmukhang Workpress at lalong hindi na sya nagmukhang Bloggers.

Kainis.

At mula nga ng araw na ‘yon eh medyo nawalan na tuloy ako ng gana. Kasi ayos ako ng ayos wala naman akong napapala… ‘di ko rin maayos.

Hanggang sa ngayon na lang ulit, kasi ang dami-dami ko nang dapat maisulat, e wala akong magpagsulatan…naisip kong magbalik… kaya eto ako nagbabalik.
Welcome back nyo naman ako… xx xx xx

And the lesson of the story: Makuntento at maging masaya sa mga bagay na meron ka. Sabi nga sa loob nga bahay ni Kuya, magpaka-totoo ka. Kung Blogger ka, then be a Blogger. You can cover a Blogger with a Workpress, and yet at the end of the day, it’s still a Blogger. Sabi nga ni Tito Barrack, you can put a lipstick to a pig, but still, it’s a pig.